“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”
“Iyan ang isang pinakamasaklap na mangyari sa isang laruan, ang hindi man lang mahawakan ng isang bata,” nanghihinayang na nasabi ni Robot.
Sumunod na araw, isang dalaga ang naglagay ng isang laruang oso sa kahon.
“Maligayang pagdating sa iyo, laruang oso,” sabay-sabay na bati nina Manika, Robot, Kotse-kotsehan at Kahon.
“Uy, marami na pala kayo dito, salamat naman at hindi na ako mag-iisa,” wika ng kadarating na kulay rosas na laruan.
“Apat pa lang naman kaming nagkukuwentuhan, ikaw ba, pwede ka bang kahuntahan?” sambit ni Kahon.
“Aba’y oo naman, ganito ang aking karanasan. Ako’y isang laruang nagsilbing kaibigan. Isang dalagita ang sa akin ay bumili at mga sikreto niya’y sa akin lang sinasabi. Nakakatuwa naman at ako’y kanyang inalagaan. Ilang taon din kaming naging magkakwentuhan, pero..” napalitan ng lungkot ang mukha ni Laruang Oso.
“O, bakit, akala ko ba’y masaya ang iyong karanasan,” tanong ni Robot.
“Nagtataka nga ako kung bakit ako inilagay dito. Basta sabi niya sa akin, dalaga na siya. Matanda na raw siya para sa kagaya ko, kung kaya’t ako’y kanyang pakakawalan. Bulong niya’y may makapulot sa aking bata na ituturing din akong kaibigan.”
“Mabuti naman at hindi naman pala masama ang iyong karanasan, may dahilan naman pala ang iyong naging kalaro,” ang sabi ni Kotse-kotsehan.
Lumipas pa ang mga araw at malapit nang mapuno ang kahong dating walang laman na naging basurahan. Parati kasing may naglalagay ng mga kung anu-anong basura sa kanya. Iba-ibang laruan. Iba-ibang kulay. Iba-ibang hugis. May bolang kupas at sombrero ng mangkukulam na butas. May espadang patpat at may lumang trumpo. May laruang bus, gitara at barko. Mayroon pa ngang mga damit ng diwata, nars at sundalo. Lahat ay may mga baong kwento.
Ang huling nagdagdag ng basura ay ang lolong naglagay sa kahon sa isang sulok ng tindahan. Ang kanyang inilagay ay mga bareta ng luwad.
“Uy, may mga kakaibang bagay na nadagdag sa basurahan,” ang bungad ni Manika.
“Kami ay mga basurang laruan, pero kayo ba ay ano?” tanong ni Robot.
“Sabon ba kayong ayaw bumula?” tanong ni Kotse-kotsehan.
“Baka naman kending hindi mabili,” wika ni Robot.
“O kaya tsokolateng luma na at inaamag,” hula naman ng ibang mga laruan.
“Mga kaibigan, kami ng aking mga kasamahan ay maituturing ding laruan,” sagot ni Puting Luwad. “Ang tawag sa amin ay Luwad.”
“Luwad, anong luwad?” nagtataka na din si Kahon.
“Mga simple lang kami kung tutuusin. Isang bulag na bata ang sa amin ay nagmay-ari. Nabulag daw sa paglalaro ng mga walis-tingting. Ang batang bulag ay naging malulungkutin at nawalan ng tiwala sa sarili,” simulang kwento naman ng Berdeng Luwad.
“Mabuti na lang at iniregalo kami sa kanya ng kanyang lolo. At ang dalawa’y parati na ngang nagsama sa paghulma sa amin ng kung anu-anong hugis. Pati nga kami’y namamangha sa kanilang ginagawa,” nakangiting salaysay naman ni Kahel na Luwad.
“Kami marahil ang naging paraan upang mabuksan ang angking kakayahan ng batang bulag. Dahil nawalan ng paningin, pinagana niya ang kanyang malawak na imahinasyon. Nakabuo siya ng iba-ibang hugis at iba-ibang bagay base sa kanyang nahahawakan. Naging mahusay na mahusay siya at noon lang nanumbalik ang tiwala niya sa sarili. Alam ninyo bang isa na siya ngayong mahusay na alagad ng sining?” pagmamalaki naman ni Lilang Luwad.
“Sining? Ano naman ang sining? Laruan din ba iyun?” tanong ulit ni Kahon.
“Ang Sining ay tumutukoy sa anumang kasanayan kung saan ipinapakita ng isang tao ang kagandahan sa kanyang paligid base sa kanyang nararamdam, nakikita, naririnig, naaamoy, at nararanasan. Alam ninyo bang ang batang bulag ngayon ay isa ng tanyag na iskultor at makata?” nakangiting sabi ni Abong Luwad.
“Nakakabilib naman. Sana ay may makapulot sa atin na mga batang malilibang at matututo sa atin.” Iyun na lang ang nasambit ng mga lumang laruan sa loob ng kahon.
Nasa gayon silang pagkukuwentuhan nang tuluyang isinara ng lolo ang kayumangging kahon. Natakot ang mga laruan dahil alam nilang sa Bundok ng Basura ang kanilang pupuntahan. Sabay-sabay silang nagdasal.
“Sana ay mapulot kami ng mga batang hangad ay kasiyahan at paglilibang. Mga batang matututo sa amin ng pagkakaibigan at pagbibigayan. Mga batang ngingiti at matutuwa kapag kami ay nahawakan. At nawa’y magmulat sa kanilang imahinasyon upang kuminang ang kanilang mga talento. Mga batang mag-aalaga, mag-iingat, magpapahalaga at magmamahal sa aming mga laruan at ituturing kaming mahalagang parte ng kanilang kabataan.”
Mahaba ang nilakbay ng kahon. Ang mga lumang laruan naman ay mistulang mga batang naglalaro sa loob nito. Nag-umpugan. Tumambling. Nagbungguan. Nagpabalentong. Napataas. Napababa. Pabalikwas-balikwas. Bumabali-baligtad. Nawala sa isip nila ang pag-aalala sa pupuntahang Bundok ng Basura.
Hanggang ang kahon ay nakarating sa isang trak ng puno rin ng mga kahong kagaya niya. At ngayon lang niya nabasa ang nakasulat.
“Kahon ng Kasiyahan, Panahon ng Pagbibigayan. Laruan Para sa Bahay-Ampunan.”
At muling napangiti si Kahon. At sa isip niya’y gumuhit ang masayang larawan ng mga batang sabik sa laruan at mga laruang sabik sa pagmamahal ng mga kabataan.