Kwento ng Isang Lumang Baul at ng Mga Lumang Laruan
Isang araw, may isang
kayumanggi at walang lamang kahon ang naiwan sa isang sulok ng tindahan.
Maya-maya’y may isang lolong nagdikit ng papel sa kahong walang laman.
Hindi mabasa ng kahon ang nakasulat pero sabi ng kahon sa sarili,
“Salamat at mayroon pa pala akong silbi kahit isang basurahan”. Dati
kasi siyang kahon ng sigarilyo.
Dumaan ang ilang araw, isang kasambahay
ang naglagay ng isang manikang madumi ang damit at ang dilaw na buhok ay
di pantay ang gupit. Natuwa ang kahon dahil nagkaroon na siya ng
laman, isang basurang manika.
“Kumusta, manika?” ang bungad na bati ni Kahon. “Sa hitsura mo’y parang pinaglaruan ka yata ng batang sa iyo’y umampon.”
“Uy, kaibigan. Maigi ngang nandito ako sa
loob mo,” sagot ni Manika. “Kung alam mo lang ang aking kwento,
pihadong pati ikaw’y manlulumo.”
“Tutal, dalawa lang naman tayo, makikinig ako sa kwento mo,” ngiti ni Kahon.
“O sige. Ako’y isang magandang manika
noong una. Gintong mais ang aking buhok at mabango ang damit kong kulay
pula.
Madami ang sa akin ay nagbakasakali ngunit sabihin nating mayamang
bata ang nagmay-ari. Ang hindi ko lang inaasahan, mayroon siyang panget
na ugali. Kaming mga laruan ay hindi iniingatan at madalas gawan ng
kalokohan. Biruin mong ilublob ako sa putikan at gupitin ang buhok kong
ginintuan. Hay, nasayang lang ang aking ganda sa isang batang hindi
marunong magpahalaga.”
“Masaklap pala ang iyong sinapit sa isang batang ugali’y malupit,” yun na lang ang sinabi ni Kahon sa kanyang unang bisita.
Ilang araw ang lumipas, may amang naglagay naman ng isang asul na robot sa kahon.
“Kamusta, Robot,” sabay na bati nina Kahon at Manika.
“Hay, eto, nakakahiya na ang hitsura.
Bali ang isang kamay at lagyan man ng baterya ay di na gumagana. Ano pa
nga ba, isa na akong basura!” dismayadong sagot ni Robot.
“Makikinig kami sa kwento mo, tutal tatlo lang naman tayo,” ang paunlak ni Kahon.
“O, sige. Ganito yun. Ako’y isang robot
na modelo ng isang sikat na robot sa telebisyon. Binili ako ng isang
mabait na tatay para sa kanyang bunsong anak. Tuwang-tuwa sa akin ang
bunso, pero naiinggit naman sa kanya ang panganay na kapatid. Minsang
naglalaro si bunso, nakiusap ang kuya niya na hiramin ako pero naging
madamot ito. Nainis ang mas matanda kaya bigla akong hinaltak sa kanya.
Pinag-agawan nila ako at parehong ayaw magpatalo.”
“Hay, may mga bata talagang dapat dinidisiplina,” sambit ni Manika.
“Oo nga. Ang nangyari, nahulog ako sa
semento, nabali ang kamay at nabasag pa ang lagayan ng baterya. Nang
malaman ng ama, pinalo pareho ang dalawang bata at ako’y itinapon na
lang. Ang sabi ng ama, kayong dalawa ay dapat nagbibigayan. Itatapon ko
na lang ang robot upang kalimutan ang ugaling karamutan. At hindi ako
bibili ng anumang laruan, hangga’t di ninyo natututunan ang magbigayan
ng anumang kagamitan,” ang malungkot na salaysay ni Robot.
“Sabagay, dapat talagang nagbibigayan ang bawat isa, lalo na sa pamilya,” ang sabi na lang nina Manika at Kahon sa isa’t isa.
Kinabukasan, isang binata naman ang naglagay sa kahon ng isang magara at makintab na itim na kotse-kotsehan.
“Kamusta, Kaibigan,” ang bati nina Manika at Robot, “Maligayang pagdating sa basurahan.”
“Eto, malungkot, ” matamlay na sagot ng bagong dating.
“Ha? Anong ikinalulungkot mo? Sa hitsura mo, ika’y bagong-bago, ano ba ang kwento, kaming tatlo ay makikinig sa ‘yo,” ani Kahon.
“Ganito kasi yun. Hindi bata ang bumili
sa akin. Isang binatang mahilig bumili ng laruang sasakyan pero hindi
naman niya nilalaruan. Itinatago sa istante, ayaw maalibukan, walang
pakinabang. Bumili nang bumili pero pandisplay lang. Hay, gusto kong
sabihin sa kanya, ako’y isang laruan. Tanging hiling ko’y may batang
ngingiti habang ako’y pinaglalaruan.”
“Pero anong nangyari at napunta ka dito?” tanong ni Manika.